Enero 16-31, 2013
Maraming salamat po sa mga nagpahatid ng pagbati sa pitak na ito at sa patuloy na sumusuporta sa Pilipino Express.
Recycle na lang ang nabalitang utang ng PCCM. May mga nagmamalasakit ngunit higit na marami ang walang paki-alam. Walang iniwan sa cancer ang kalagayan. Ang city ay nangangailangan ngayon ng mapagkukunan ng pondo. Namumuro ang PCCM na malamang ay masakripisyo.
Ang mga Pinoy dito ay nakakaranas din kaya ng hate campaign, tulad ng nabalitang hate mail vs. Pinoys sa Northern California?
Feedback
“Kaka, hindi mo po ba napapansin? Ang mga taong turing na marangal kung kailan malamig na bangkay saka pinararangalan?”
Hindi ka nag-iisa. Marahil ang motibo ay para pamarisan.
“Tay, sabi mo po may na-nominate ng Honorary Consul dito. Mahigit two months na, wala pa. Pati ang binalita sa CKJS na outreach services dito by December, hindi rin nangyari.”
Kabayan, binalita ko lang, batay sa mga natanggap na sulat ni Fred De Villa, chairman ng WFBC. Padala ng DFA sa Maynila, Ambassador Gatan at ConGen sa Toronto. Ang na-nominate ay walang katiyakan. May mga requirement pang dapat matugunan. Pero tama ka. Nakakainip ang serbisyong lakad-pagong.
Pilipinas
Ang iringan ng Beijing at Maynila sa West Philippine Sea ay patuloy ngayong 2013. Armado ang land-grabbers kaya nakakapaghari-harian.
Maasim pa sa sukang-paombong ang panawagang unity ng mga nasa Palasyo. Sila mismo ang pinagmulan. Ano ‘yan, matapos saktan, aamuin? Nahan ang lohika?
Kung buhay si Tita Cory, sang-ayunan kaya niya ang ginawang pag-insulto sa mga alagad ng Simbahang Katoliko ng kaniyang poboritong anak? Hindi kaya niya damdamin ang sinasabi ng mga ibang alipores ni Noynoy? “Mahina…” Wala daw solid vote na hatak ang mga alagad ng simbahan? Abangan.
Nabuhusan ng malamig na tubig ang mainit na balita na gaganda sa taong ito ang ekonomiya ng bansa. Bagsak ang satisfaction ratings ni P-Noy sa lahat ng larangan. Panlipunan, pangkabuhayan at gender, ayon sa survey ng SWS. Hindi robot si Noynoy. Tiyak na kaniyang dinaramdam ang nangyaring senyas ng law of diminishing return.
Sabi ni Lady Gaga sa Maynila, “very good pa rin ang plus 55 per cent popularity ni Noynoy.” Naku, epekto lang daw ‘yon ng mga bayarang mamamahayag at kumentarista sa radio-TV, ayon sa mga kritiko.
Huwag akalain ng mga nasa Palasyo na ang mga Pinoy ay bobo. Lumabas sila sa malamig na silid, sasakyan din ang mga kotseng air-conditioned. Magtungo kahit sa labas lang ng Metro Manila at kumustahin ang mga tao. Simple lang ang itanong. Gumanda ba ang buhay ninyo sa nakaraang dalawang taon? Malalaman nila, kung ang buhay nga ng mga tao ay umasenso.
Muling nangangako si P-Noy. Job creations and “to end corruption.” Sana, matupad. Kung magkakaroon ng mapapasukang trabaho ang Pinoy, marahil hindi na maghahangad magtawid dagat na ang higit na natutulungan ay ekonomiya ng ibang bansa.
Tungkol sa graft and corruption, iba ang senaryo. Hangga’t may pork barrel na ugat ng katiwalian, hindi magkaroon ng ending. Ang bisa ay mismong ginamit ni Noynoy. Si ex-CJ Renato Corona ay natanggalan ng korona dahil sa mantika ng karneng baboy.
Minadali ni P-Noy ang pagpapatalsik kay ex-CJ Corona sa alegasyong tauhan ni Gloria. Nakausad ba sa korte ang mga sinampang kaso vs. Mrs. Arroyo? Ang judiciary ay hindi basta-basta magiging rubber stamp ng executive like the legislative kahit nahalinhan ang Chief Justice. Walang pork barrel ang mga mahistrado ng Supreme Court.
Nakakalungkot kung itutuloy ang plano ng gobyernong Aquino na isa-pribado ang public hospitals. May 20 ang bilang ng mga pampublikong pagamutan sa buong bansa. Mawawalan ng public wards ang mga mahihirap na boss ni Noynoy. Baluktot na baga ang tuwid na daan?
Hinog na ang panahon. Dapat nang kumalas si VP Binay sa gabinete ni P-Noy. Siya ay itinalagang member of the official family. Ang pagkontra sa pangulo ay kawalan ng modo. Huwag na niyang hintaying sipain sa puwesto.
Diskaril na ang koalisyon ng LP-NPC sa Pangasinan. Amado Espino ng NPC vs. Hernani Braganza ng LP for governor. Sa Cebu naman, mga Garcia ng UNA vs. mga Davide ng LP.
Mapanumbalik kaya ni P-Noy ang respeto sa kaniya ng mga Cebuano? Depende ‘yon sa hatak ng mga Osmeña at Almendras. Malalaman natin sa resulta ng nakatakdang mid-term elections.
Kailangang tutukan ng Comelec ang mga reklamo sa Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines. Laganap na ang mga sabi-sabi. Ang makina ay garantiya daw sa panalo ng mga kandidato ng LP?
Katas
Sa taong ito, ang silent majority ay naghihintay ng mga pagbabago sa pamamahala ng bansa. Nangangarap ng tunay na demokrasyang kailangang umiral.
- Kinukumpara ang pagpapatupad ng democratic form of government ng Amerika at Pilipinas.
- May pork barrel din doon subali’t hindi ka-agad-agad nangyayari ang kagustuhan ng popular na pangulo.
- Masusing pinag-aaralan ng mga kagawad ng lehislatura ang mga panukalang minumungkahi ng ehekutibo.
- Kahit mga ka-partido, hinihimay na mabuti ang magiging epekto sa mga mamamayan.
- Sa Pilipinas, nananatiling sa papel lamang ang umiiral na kalayaan sa tatlong antas ng gobyerno.
- Ang executive ay nanghihimasok sa katungkulan ng legislature and judiciary.
- The executive department is always the winner because of the pork barrel power. Nagagamit na panuhol ang pondo sa majority numbers ng dalawang kapulungan ng kongreso. Dahil sa hindi mapigil na corruption, lalong lumalapad ang agwat sa kabuhayan ng mayaman at hirap.
Paquito Rey Pacheco worked for 21 years in Philippine radio broadcasting. He is a former PRO for Radio in the Office of the Secretary of Philippine National Defense and former Chairman of the Rural Broadcasters Council of the Philippines. He was a reporter for Bagong Buhay newspaper. In Winnipeg, he was the News Director of Good Morning Philippines for 13 years on CKJS Radio 810 AM. E-mail: frpacheco@shaw.ca